Matapos ang halos 13 araw na pagkakabihag, pinalaya na ng mga kidnapper ang bihag na resort owner nitong Sabado ng madaling-araw sa Cotabato City.
Sa isang text message, kinumpirma ni Shariff Kabunsuan Provincial Police Office Director Sr. Supt. Esmael Ali ang pagpapalaya sa bihag na si Jesus Perfecto “Boyeh” Martinez.
Ayon kay Ali, si Martinez, may-ari ng El Bimbo Resort sa Linek Beach sa Datu Odin Sinsuat, Shariff Kabunsuan ay pinawalan ng mga kidnapper kung saan may report na nagbayad ang pamilya nito ng P300,000 ransom kapalit ng kalayaan ng negosyante.
Bandang alas-4:00 ng madaling-araw nang abandonahin ng mga kidnapper si Martinez sa bisinidad ng isang supermarket sa Cota bato City.
Sinabi ni Ali na napilitan ang mga kidnapper na palayain ang bihag bunga na rin ng matinding pressure sa search and rescue operations ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar.
Si Martinez ay kinidnap ng tinatayang 10 armadong kalalakihan noong Setyembre 8 habang lulan ito ng behikulo galing sa El Bimbo Resort.