Tagumpay na natapos ang rehabilitasyon ng Lamitan Circumferential Road at ng Tipo-Tipo Tumahubong Road projects sa Ungkaya Pukan sa Basilan sa pangunguna ng National Development Support Command ng Armed Forces of the Phils. Ang naturang mga proyekto ay nasa mga conflict affected at depressed communities kung saan ang mga residente ay hirap sa kanilang pagdadala ng mga produktong agrikultura at iba pang paninda papunta sa mga pamilihang bayan. Umabot sa mahigit kumulang na P14 milyon ang ginugol sa mga proyektong ito na inaasahang makakatulong na pagaanin ang kalagayan ng buhay ng mga residente mula sa Sumisip hanggang sa Tipo-Tipo at Lamitan City. “Malaki ang pasasalamat ng aming mga kababayan sa mga development initiatives ng pamahalaan lalo na sa tulong ng AFP sa komunidad,” pahayag ni Wahid Sahi, chairman ng Barangay Amaloy, Ungkaya Pukan. Tugon naman ng AFP na mananatiling tapat sa kanilang mandato at gagawin ang lahat para sa seguridad at kaunlaran ng bansa.