Sabog ang tiyan ng isang misis na pulis makaraang barilin ng shotgun ng seloso nitong mister sa bayan ng Kolambugan, Lanao del Norte, kamakalawa.
Idineklarang patay sa Mercy Hospital sa Iligan City ang biktimang si PO1 Eliza Gilig, 34, samantalang naaresto at pormal na kinasuhan ang suspek na si Giovanni Gilig.
Sa report ng provincial police office na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen sa tahanan ng mag-asawang Gilig sa Lower Agustin Heights, dakong alas -5:30 ng umaga.
Napag-alamang sumasailalim sa field training program ang biktima kaya bihira lamang umuwi kaya sinasabing madalas mag-away ang mag-asawa dahil sa sobrang pagkaseloso ng suspek gayong bahagi ng propesyon ng kaniyang misis ang pagsasanay.
Nabatid na muli na namang nagtalo ang mag-asawa hanggang sa mauwi sa krimen habang patuloy ang imbestigasyon. (Joy Cantos)