Holdap: Crew ng Jollibee tinodas
Isang graduating nursing student na service crew ng Jollibee fastfood ang iniulat na nasawi makaraang pagsasaksakin ng mga ‘di-pa kilalang holdaper sa Silay City, Negros Occidental kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Tara Conlo, 22, nursing student sa Riverside College at working student sa Jollibee sa Bacolod City.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, ang katawan ng biktimang may anim na saksak ng patalim ay natagpuan sa taniman ng tubo sa Hacienda Ortiz, Fortuna Subdivision, dakong alas-7 ng gabi.
Sa teorya ng pulisya na si Conlo ay hinoldap dahil nawawala ang cellular phone, bag at cash na noon ay bagong suweldo.
Nabatid na noong Lunes ay napaulat na nawawala ang biktima matapos na mabigong makauwi hanggang sa madiskubre ang krimen noong Martes ganap na alas -7 ng gabi.
Nagawa pang makapag-text ng biktima noong Lunes dakong alas-11 ng gabi na maantala ng kaniyang pag-uwi dahil gi-gimmick pa sila ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho.
Napag-alaman din dakong alauna y medya ng madaling-araw ay nakapag-text pa ang biktima sa kaniyang mga kaibigan na sakay na siya ng traysikel pauwi sa Saint Francis Subdivision sa Silay City pero nagpahabol na nasiraan ang kaniyang sinasakyan matapos na maputol ang kadena.
Malakas naman ang paniniwala ng mga magulang ng biktima na ang traysikel driver na sinakyan ng kanilang anak ang nasa likod ng krimen.
- Latest
- Trending