Apat na kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa pagpupuslit ng baril, ang nalambat ng militar sa isinagawang operasyon sa bayan ng Tulunan, Cotabato kamakalawa.
Sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, kinilala ni Major Armand Rico, regional Army spokesman, ang mga suspek na sina Junjie Gurit, 26; Johnie Pananggulon, 25; Jun Panang gulon, 42; at si Tobias Gurit, 54.
Napag-alamang dakong alas-2:30 ng hapon nang makorner ng tropa ang 57th Infantry Battalion ng Phil. Army, ang apat sa bisinidad ng Barangay La Esperanza sa bayan ng Tulunan.
Nasamsam mula sa mga suspek ang kulay itim na multicab (MCH 604), dalawang cal. 45 revolver, isang 9mm pistol, isang M14 assault rifle, mga bala at halagang P66,185.
Kasalukuyang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang mga suspek. (Joy Cantos)