3 kinidnap ng Abu pinalaya
Tatlo sa limang aid workers na kinidnap ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang pinalaya na noong Lunes ng gabi sa bayan ng Tipo-Tipo sa Basilan, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni regional Navy spokesman Lt. Col. Edgard Arevalo Jr., ang mga nakalayang biktima na sina Ludy Borja Dekit, Romy de los Reyes at Dionisio “Jun” Estandarte na pawang kawani ng Christian Children’s Fund at Nagdilaab Foundation na nagsasagawa ng humanitarian mission sa Basilan.
Walang kapalit na ransom money ang pagpapalaya sa tatlo sa bayan ng Al Barka, habang nanatili namang bihag ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama sina Esperancita Hupida, program director ng Nagdilaab Foundations, Inc. at Milet Mendoza, kawani ng isa pang aid group sa bayan ng Tabang, Mindanao.
Base sa ulat ni 1st Marine Brigade Col. Rustico Guerrero, ang tatlong pinalaya ay ibinigay kay Tipo-Tipo Mayor Tong Istarul.
Nabatid na ang mga biktima ay kabilang sa 12-kataong lulan ng dalawang sasakyan nang harangin ng mga bandido sa bisinidad ng Brgy. Cabangalan malapit sa Sitio Ungkaya Pukan sa Tipo-Tipo noong Lunes.
Napag-alamang pito sa kasamahan ng lima na lulan ng isa pang sasakyan ay nakatakas.
Patuloy naman ang hot pursuit operations ng mga elemento ng Philippine Marines upang iligtas ang mga nalalabi pang bihag.
- Latest
- Trending