2 bokal nagkapikunan sa 'palengke isyu'
BATAAN – Dahil sa kontrobersyal na isyu na may kaugnayan sa itinatayong P50 milyon bagong palengke sa Barangay Palihan sa bayan ng Hermosa, nagkapikunan at muntik magkasuntukan ang dalawang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa loob ng session hall kahapon sa kapitolyo sa Balanga City, Bataan.
Napag-alamang inimbita han ng Provincial Board Council ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Hermosa para hingin ang kanilang panig sa naging resolusyon ng mga ito para sa konstruksyon ng palengke subalit nagkapikunan ang dalawang bokal na sina Orlando Miranda, chairman ng committee on land use at Gaudencio Ferrer.
Lumilitaw na pinagpapaliban ni Bokal Miranda, ang pagpupulong at itakda muli sa susunod na linggo subali’t iginiit naman ni Bokal Ferrer na ituloy na ito dahil nakapag-imbita na siya ng responsableng tao.
Nauwi sa mainitang pagtatalo at magkabatuhan ng maaanghang na salita ang dalawa na naawat naman dahil pumagitna si Vice Governor Serafin Roman.
Sa panig ni Ferrer na ibig lamang nitong ilagay sa ayos ang itinatayong palengke dahil ang kinatitirikan nitong lupa ay irrigated rice field at posibleng nasakop ng moratorium para sa land conversion.
Sagot naman ni Miranda para sa ikakaunlad ng kanilang bayan ang itinatayong bagong pamilihan at patuloy ang paglaki ng kanilang populasyon. (Jonie Capalaran)
- Latest
- Trending