P100-M munisipyo naabo
Umaabot sa P100 milyong halaga ng ari-arian ang iniulat na naabo makaraang masu nog ang dalawang palapag na munisipyo ng bayan ng Calasiao at nadamay ang famous pilgrimage shrine na Señor Divino Tesoro sa lalawigan ng Pangasinan kahapon ng madaling-araw.
Sa maikling pagpupulong ng Sangguniang Bayan na pinangunahan ni Vice Mayor Ferdinand Galang, sinabi ni Calasiao Mayor Roy Macanlalay na naipasa ang resolusyon na isinasailalim sa state of calamity ang nasabing bayan at pag-imbestiga sa lokal na fire station na hindi kaagad nakaresponde sa naganap na sunog kahit na may ilang metro lamang ang layo.
Nagpasa rin ng resolusyon ang konseho para sa financial assistance mula kina Pangulong Arroyo at Vice President Noli de Castro at maging kina 3rd District Rep. Ma. Rachel Arenas at Gov. Amado Espino Jr.
“Wala ng natira talaga,” pahayag ni Mayor Macanlalay.
Samantala, naisugod sa Villaflor Doctor’s Hospital sa Dagupan City, si deputy fire marshal, SFO3 Jose Carino matapos ma-suffocate habang inaapula ang apoy.
Gayon pa man, pansamantalang ginamit ng mga opisyal ng nasabing munisipyo ang training center, gusali ng senior citizens at ang astrodome na hindi pa natatapos itayo.
Inamin ni Mayor Macanlalay na walang anti-fire equipment na nakalagay sa munisipyo at ang mga linya ng kuryente ay binagong lahat.
Bunga ng insidente ay inilipat ang 83-preso ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nasa unang palapag lamang na nasa katabing himpilan ng pulisya.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy.
- Latest
- Trending