NUEVA ECIJA — Isang biyudong negosyante at sanggol na lalaki ang napaslang makaraang pagbabarilin ng dalawang ‘di-pa kilalang kalalakihan sa gusali ng Villanueva sa Gabaldon Street, Cabanatuan City, Nueva Ecija, noong Sabado ng gabi.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Ricardo Marquez, Nueva Ecija police director, nakilala ang mga biktimang sina Ricardo Gonzales y Alperto, 52, ex-CSU sa Kapitolyo ng Nueva Ecija at nakatira sa Barangay Villa Ofelia at ang 11-buwang sanggol na si Kurt Justine Tiongson y Espino.
Samantala, nadamay naman si Teodoro Balagtas, 42, na tinamaan ng bala sa balikat at ngayon ay ginagamot sa Nueva Ecija Doctors Hospital.
Ayon kay SPO1 Dela Cruz, dumalaw lang si Ricardo sa kanyang kasintahang si Teodoro sa nabanggit na lugar nang ratratin ng dalawang lalaking nakamotorsiklo.
Napag-alamang kalong ni Teodoro ang sanggol habang nakikipag-usap kay Ricardo nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril.
Sinisilip naman ng pulisya ang anggulong love triangle ang isa sa motibo habang hindi naman inaalis ang anggulong karibal sa negosyo ang pumaslang. (Christian Ryan Sta. Ana)