15 MILF rebs lagas sa bakbakan
Dumanas ng panibagong dagok ang mga rebeldeng kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) renegades makaraang malagasan ng 15-tauhan sa sumiklab na bakbakan sa bayan ng Maasim, Sarangani, noong Biyernes.
Ayon kay Major Armand Rico, regional Army spokesman, nakasagupa ng mga sundalo ng Army’s 73rd Infantry Battalion (IB) sa pamumuno ni Lt. Col. Edgardo de Leon, ang tropa ni Kumander Kota sa kagubatang sakop ng Barangay Daliao.
Napag-alamang nakatanggap ng impormasyon ang mga sundalo kaugnay sa presensya ng mga armadong MILF renegades sa Sitio Macao II na sinundan nila hanggang sa umabot sa Brgy. Daliao sa nasabing bayan.
Agad nagsagawa ng ‘maneuvering operations’ ang military na pinuntirya ng Recoiless rifles ang kinaroroonan ng MILF kung saan habang palapit ang mga sundalo ay dumarami ang mga kalaban.
Dalawa naman sa mga sundalo ang nasugatan matapos na tamaan ng shrapnel mula sa rocket propelled grenade (RPG) na pinawalan ng MILF renegades.
Sa kasagsagan ng putukan ay 15 MILF rebs ang napatay na tinangay ng mga nagsitakas nitong kasamahan.
Bandang alas-3 ng hapon nang magsagawa ng clearing operations ang mga sundalo kung saan ay nakita ang maraming bakas ng dugo.
Sa nasagap na radio message ng MILF renegades at base na rin sa pahayag ng mga residente malapit sa lugar ay aabot sa 15 MILF rebs ang namataang hinihila ng mga kabarong rebelde pagtakas sa lugar ng bakbakan. – Joy Cantos
- Latest
- Trending