4 sugatan sa salpok ng convoy ni PGMA
NUEVA ECIJA – Apat-katao na iniulat na nasugatan makaraang mahagip ng military truck na kasama sa convoy ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Biyernes ng umaga sa kahabaan ng Gapan-Olongapo Road sa Barangay Alua, San Isidro, Nueva Ecija.
Kasalukuyang nasa Good Samaritan Hospital sa Gapan City, ang mga biktimang sina Ronnel Tecson, 20; Pedro Sortiz y Bacani, 56, ng Barangay Putlod; Rodolfo Odulio y Reyes, 62, ng Barangay Sto. Cristo at isa pa na inaalam ang pagkikilanlan.
Kinasuhan naman ng pulisya ang drayber ng M36 truck (SGK-372) na si Staff Sgt. Joel Sumahit y Almonte, na nakatalaga sa TBN ASCOM, Fort Bonifacio, Taguig City.
Napag-alamang nawalan ng preno ang truck ni Sumahit kaya diniretso sa gilid ng highway ngunit nahagip ang traysikel ni Tecson, motorsiklo (IS-9511) ni Sortiz at kaangkas na si Odulio, at ang nakaparadang traysikel (RT-3744) na pag-aari ni Victoriano Santiago.
Nabatid na dumalo si Pangulong Arroyo sa inagurasyon ng bagong tulay sa Cabiao, Nueva Ecija bago nagtungo sa kaarawan ni Nueva Ecija 4th District Rep. Rodolfo Antonino sa bayan ng Jaen. Christian Ryan Sta. Ana
- Latest
- Trending