Bangka lumubog: 5 nawawala
Lima-katao kabilang ang tatlong kawani ng National Power Corp. (Napocor) ang iniulat na nawawala makaraang lumubog ang bangka na kanilang sinasakyan habang naglalayag sa karagatang sakop ng Pa lawan, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ng regional PNP director na si Chief Supt. Luisito Palmera, ang tatlong kawani na sina Jerry Castolo, Henry Sumanting, at Rexto Magalona, pawang nakabase sa Napocor Linapacan.
Kasama rin sa mga pinaghahanap ang operator ng pumpboat na si Dongdong Capangpangan at Elmar Fabiano na kapwa residente ng Brgy. San Miguel, Linapacan.
Napag-alamang naglayag ang mga biktima noong Huwebes patungo sa isa sa isla ng Agutaya sakay ng Rian-J pumpboat na pag-aari ni Councilor Henry Liao,para kunin ang dynamo ng Napocor na ga gamitin sa nasabing munisipalidad.
Ayon sa police report, pabalik na ang grupo mula sa Agutaya noong Biyernes ng umaga, subalit hindi na nakabalik ang mga ito.
Nakapagpadala pa ng text message sa kanyang pamilya sa Linapacan ang isa sa mga biktima at sinabing tumaob ang kanilang bangka dahil sa malakas na hangin at alon.
Pinaniniwalaan na ang insidente ay naganap alas-10:30 ng umaga sa pagitan ng Barangay Manamoc sa Cuyo island group at Barangay Nangalao, Linapacan kamakalawa.
Samantala, humingi na rin ng tulong sa Philippine Navy ang pulisya subali’t hanggang kahapon (Sabado) ng umaga ay wala pang nakikita ang mga rescuer sa mga pinaghahanap na biktima.
- Latest
- Trending