CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isang aktibong miyembro ng Citizens Armed Forces and Geographical Unit ang nasawi matapos pagbabarilin ng mga hinihinalang sparrow unit ng New People’s Army sa loob ng palengke kahapon ng umaga sa Barangay San Vicente, Bulan, Sorsogon.
Nakilala ang biktima na si Rafael Geograpo, 49, may asawa, residente ng naturang barangay.
Abala sa pagbebenta ng kanyang panindang isda sa palengke ang biktima nang bigla siyang lapitan ng dalawang rebeldeng armado ng .45 kalibreng baril bago siya pinaputukan ng mga ito.
Agad na tumakas ang mga suspek pagkatapos ng pamamaslang. (Ed Casulla)
Ahente wasak ang bungo
KIDAPAWAN CITY – Halos wasak ang bungo ng isang civilian agent matapos barilin ng ‘di kilalang mga lalaki habang sakay ng kanyang motorsiklo sa Carmen, North Cotabato kahapon ng umaga.
Kinilala ni SPO2 Teng Dimapalao, imbestigador ng Carmen Police, ang biktima na si Barbi Octavio, isang magsasaka. Si Octavio, ayon kay Dimapalao, ay patungo sa Poblacion ng Carmen nang sabayan ng mga suspek na sakay din ng motorsiklo.
Nang makarating sa isang masukal na bahagi ng Barangay Katanayanan, agad siyang pinaputukan ng mga suspek. (Malu Cadelina Manar)
Hired killer nalambat
Ormoc City – Isang umano’y hired killer na si Junel Langres, 22, ang nadakip habang minamanmanan niya ang tahanan ng bibiktimahin niyang isang fruit dealer sa Sitio Coob, Barangay Tambulilid sa lunsod na ito kamakalawa ng tanghali. Inamin ni Langres sa mga awtoridad na kasama siya sa isang grupo ng mga hired killer na inupahan ng isa ring fruit dealer na gustong ipapatay ang sana’y bibiktimahin nila. (Roberto Dejon)
2 tricycle sinalpok
CAVITE – Nasawi ang 82 anyos na si Florediliza Poblet habang 13 ang nasugatan nang salpukin nang isang FX tamaraw ang dalawang pampasaherong tricycle sa Naic, Cavite kamakalawa ng gabi. Dinala sa San Lorenzo Luiz ang mga sugatan. (Cristina Timbang)
Minimart hinoldap
Isang guwardiyang si El mar Issagira ang namatay habang dalawa katao ang sugatan nang pagbabarilin sila ng tatlong armadong lalakeng nangholdap sa Nolasco Minimart sa Centro Poblacion, Oas, Albay kamakalawa ng gabi. Kabilang sa sugatan ang may-ari ng grocery na si Ajerico Nolasco. Ang isa pang sugatan ay si Edmundo Romero na guwardiya rin sa naturang etablisimiyento. (Joy Cantos)
2 dedo sa salpukan
Dalawa katao ang namatay habang 11 pa ang nasugatan nang magbanggaan ang isang motorsiklo at isang pampasa herong bus na Florida sa kahabaan ng national highway ng San Jose City, Nueva Ecija kamakalawa. Hindi pa mabatid hanggang isinusulat ito ang pangalan ng mga nasawi na isang lalake at isang menor-de-edad na babae. Isinugod sa pagamutan ng San Jose ang mga sugatan. (Joy Cantos)