2 piskal na-Salisi Gang
CAMP CRAME – Dalawang piskal na babae ang iniulat na naging biktima ng Salisi Gang makaraang matangayan ng malaking halaga at personal na gamit sa loob mismo ng Hall of Justice sa Bacolod City, Negros Occidental kamakalawa.
Batay sa ulat ng regional police, natangayan ng cash, IDS at bank cards ang mga biktimang sina Prosecutors Cyclamen Fernandez at Ma. Christy Uriarte.
Sa pahayag ni Fernandez sa pulisya, tinangay ng mga kawatan ang kaniyang shoulder bag na naglalaman ng P6,500, mga identification card kabilang ang inisyu ng Department of Justice (DOJ) at Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Natangay naman kay Uriarte ang wallet na naglalaman ng hindi pa madeterminang cash, bankcard at envelope na may nakalagay na P 1, 500.
Lumitaw sa imbestigasyon ni PO2 Anthony Marijana, saglit na lumabas sa kanilang opisina ang dalawang piskal para dumalo sa pagpupulong at nang magbalik ay nawawala na ang kanilang mga kagamitan.
Napag-alamang bago maganap ang nakawan, ay isang babaeng buntis na may kasamang anak ang namataang kahina-hinalang pabalik-balik sa pasilyo ng nabanggit na tanggapan. Natagpuan naman ng janitor sa ikatlong palapag ng gusali ang bag ni Fernandez pero wala ng mga laman. Joy Cantos
Droga talamak sa 100 barangay
Tinatayang aabot sa 100 barangay sa Iloilo City ang naapektuhan sa patuloy na lumalalang kumakalat na bawal na droga, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Sa pahayag ni P/Supt. Roybel Sanchez, regional chief ng PDEA, ang dumaraming drug pusher sa nabanggit na lungsod ay base sa pinaigting nilang operasyon laban sa bawal na gamot. “Maaari pa itong masugpo dahil sa suportang ibinibigay ni Iloilo City Mayor Jerry Trenas,” dagdag pa ni Sanchez. Masusing minomonitor ng PDEA ang ulat na mga miyembro ng sindikato mula sa karatig Barangay Taft North at Bakhaw sa Mandurriao District ang nagpapakalat ng shabu, Ecstasy at marijuana. Isinasailalim rin sa imbestigasyon ang paboritong tambayan ng mga anak ng mayayamang pamilya ang sikat na arcade sa nabanggit na lungsod base sa intelligence report ng PDEA ay bagsakan ng iligal na droga at sentro ng operasyon ng mga drug pusher at user. Danilo Garcia
- Latest
- Trending