CAMP VICENTE LIM, Laguna – Nahaharap ngayon sa patung-patong na kasong kriminal ang isang 42-anyos na babaeng akusado makaraang manampal ng piskal sa kalagitnaan ng preliminary investigation sa Sta. Rosa City, Laguna kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Supt. Rodney Ramirez, hepe ng Sta. Rosa City PNP, ang suspek na si Olimpia Tiongco ng Barangay Macabling, Sta. Rosa City, Laguna.
Base sa mga dokumento ng nakalap ng PSNGAYON, nahaharap sa 2 counts ng kasong direct assault upon agent in authority, 2 counts of grave threat at dalawang ulit na oral defamation si Tiongco matapos sampalin nito si Sta. Rosa City Prosecutor Oscar Co, 42, ng Barangay Kanluran, Sta. Rosa City.
Sa salaysay ni Fiscal Co, bandang alas-11 ng umaga nang nagsasagawa sila ng preliminary investigation nang bigla na lang siyang kumprontahin at sabihang – “patatanggalan kita ng lisensya at isusumbong sa Supreme Court! Anay ka sa Lipunan! Nagluluto ng kaso! Bulok ka!”
Nang sumagot naman si Fiscal Co na magpakita ng ebidensya kaugnay sa kanyang akusasyon, muli siyang sinigawan ni Tiongco ng - “tarantado kang fiscal ka! kami ang nagpapasweldo sa inyo! humanda ka tapos na ang araw mo!” sabay sampal ng dalawang beses sa pisngi ng nasabing piskal.
Kaagad naman nagsampa ng pormal na reklamo si Fiscal Co sa himpilan ng pulisya sa Sta. Rosa City at tumayong testigo si PO1 Jose Farol at apat na kawani ng City Prosecutors Office.
Kasalukuyang nakapiit na sa himpilan ng pulisya sa Sta. Rosa si Tiongco para harapin ang kasong isinampa laban dito.