CAMP SIMEON OLA , Legazpi City – Brutal na kamatayan ang sumalubong sa isang misis na barangay health worker makaraang martilyuhin sa loob ng kanilang tahanan kahapon ng umaga sa Barangay Canaway, Malilipot, Albay. Bandang alas-9:30 ng umaga nang matagpuan ang duguang katawan ni Julie Bruzola, 50, na nagtamo ng malalim na sugat sa ulo at ibang bahagi ng katawan. Ayon sa police report, huling namataang buhay ang biktima na naghahanda ng pang-almusal ng kaniyang pamilya bandang alas-5 ng umaga. May teorya ang pulisya na nakilala ng biktima ang suspek na posibleng may itinatagong matinding galit sa kanyang pamilya. (Ed Casulla)
2 ‘bolt cutter’ arestado
CAVITE – Kalaboso ang binagsakan ng dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Bolt Cutter Gang makaraang maaresto ng pulisya sa panloloob sa isang moneygram outlet sa Tirona Highway, Barangay Tramo Bantayan, Kawit, Cavite kahapon ng madaling-araw. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Robert Francisco, 31, ng Villa Ramirez Subd. Brgy. Tabon at Cesar Balacao, 40, ng Brgy. Real 1, Imus, Cavite. Sa ulat ni PO2 Plaridel Dapros, nilooban ng mga suspek ang Currency Connection Corp. at bago pa makatakas ay nasakote na ng pulisya. Nasamsam sa mga suspek ang halagang P52,785, bolt cutter, screw driver, steel crowbar, blade cutter, vicegrip, flashlight, gloves at wire cutter. (Cristina Timbang)
Tubuhan sinunog ng NPA
CAMP CRAME – Tinatayang aabot sa P.2 milyong halaga ng ari-arian ang nawasak makaraang salakayin at sunugin ng mga rebeldeng New People’s Army ang plantasyon ng tubo sa Barangay Andres Bonifacio, Cadiz, Negros Occidental kamakalawa. Batay sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang nasabing plantasyon na may apat na ektarya ay nasasakupan ng Hacienda Golez na pag-aari ng negosyanteng si Lope Conching. May teorya ang mga awtoridad na tumatangging magbigay ng buwis sa grupong komunista ang may-ari ng tubuhan. Magugunita na nitong nagdaang buwan sinunog din ng mga rebelde ang taniman ng tubo ng naturang haciendero kung saan umabot sa P450,000 ang iniwang pinsala. (Joy Cantos)
CSU dedo sa mga holdaper
KIDAPAWAN CITY – Dahil sa tawag ng tungkulin bilang miyembro ng Civil Security Unit ay napaslang ang isang mister makaraang ratratin ng mga holdaper sa public market sa bayan ng Kabacan, North Cotabato noong Martes ng tanghali. Base sa police report, rumesponde ang biktimang si Abu Zainal sa nagaganap na kawatan sa Partners Grocerama, kung saan napaulat na malaking halaga ang natangay ng mga armadong kalalakihan. Nang papalabas na ang mga holdaper mula sa nabanggit na grocery store ay nakasalubong nila si Zainal na reresponde subalit bago pa makaputok ng baril ay nauna itong pinaputukan ng mga papatakas na kawatan. (Malu Manar)