Landslide: 58 nalibing
Tinatayang aabot sa 58 sibilyan ang iniulat na nalibing kung saan pinangangambahang nasawi habang marami pa ang nawawala sa naganap na magkasunod na landslide sa minahang sakop ng Barangay Masara sa bayan ng Maco, Compostela Valley kamakalawa at kahapon ng madaling-araw.
Base sa ulat ng regional police director na si Andres Caro, aabot sa 18-bahay na nasa dalisdis ng bundok sa nabanggit na barangay ang natabunan ng gumuhong putik at bato na ikinasugat ng may 17-katao habang aabot naman sa 70 pamilya ang nagsilikas patungong simbahan at ilang eskuwelahan.
Bunsod naman ng patuloy na buhos ng ulan, muling gumuho ang lupa sa nasabing barangay dakong alas-3 ng madaling-araw kahapon kung saan narekober naman ang anim na bangkay habang maraming iba pa ang pinaniniwalaang natabunan ng buhay, ayon sa ulat ni Jovencio Angera, district chairman ng Maco, Compostela Valley.
Sinabi pa ni Caro na naging sagabal sa tropa ng militar at pulisya sa pag-rescue ng mga biktimang natabunan ng putik at bato, ang pagkawala ng koneksiyon ng mga cellular phone sa nabanggit na lalawigan.
Nasaksihan ng isa sa nakaligtas sa landslide na si Roger Corales, ang mga residenteng humihingi ng saklolo habang kinakain ng putik at bato at pawang mga kamay na lamang ang nakalabas.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Esteban Mahilit, 59; Maria Christine Labor, 4; Ma. Theresa Labor, 1; Rose Marie Labor, 28; at si Harold Sanchez.
Sugatan namang naisalba sina Pagay Pablo, 9; Eduardo Lazaro, 65; Estrella Magnanao, 52; Eugene Perales, Inaya Sotero, 37; Edwin Romeo, 36; Jeremy Aboul, 28; at isa pang hindi nakilalang pasyente na kasalukuyang nasa Davao Regional Hospital sa Tagum City.
Patuloy naman ang rescue operation ng mga awtoridad kahit na bumubuhos ang malakas na ulan para may maisalba sa pananalasa ng landslide.
Matatandaang noong nakalipas na taon ay nagka-landslide rin sa nabanggit na minahan kung saan sampung sibilyan ang iniulat na nasawi kaya inirekomenda ng Bureau of Mines and Geosciences na abandonahin ng mga residente ang nasabing lugar.
Subalit karamihang residente na nabubuhay sa pagmimina ng ginto ay tumatangging lumisan sa minahan, ayon pa kay Caro. – Danilo Garcia
- Latest
- Trending