CAMP CRAME — Nabalot ng matinding takot ang residente makaraang matagpuan ang tsinap-chop na katawan ng mister sa gilid ng sapa sa bayan ng Binalbagan, Negros Occidental kamakalawa. Ang biktimang iniulat na nawawala may tatlong araw na ang nakalipas ay nakilalang si Jose Ronnie Esseler, 31, ng Bgy. Mambagaton, Himamaylan City. Batay sa ulat ni P/Senior Supt. Alan Resuma na isinumite sa Camp Crame, bukod sa pinugutan ang biktima ay tsinap-chop pa na mis tulang karne ang katawan nito na posibleng may matinding galit. – Joy Cantos
Drayber inutas dahil sa krudo
CAVITE — Dahil sa pagtatalo sa tumataas na presyo ng petrolyo, napaslang ang isang 42-anyos na traysikel drayber ng kanyang kainuman ng alak sa Barangay Kaybagal, Tagaytay City kamakalawa. Ang biktimang nagtamo ng maraming saksak ng patalim sa katawan ay nakilalang si Alberto Baybay, habang pinaghahanap naman ang suspek na si Wilson Cherebia, 32, kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay. –Cristina Timbang
LPG blast: 60 sugatan
CAMP VICENTE LIM, Laguna — Umaabot sa 60- katao ang iniulat na nasugatan makaraan sumabog ang cargo truck na may liquefied petroleum gas (LPG) sa bayan ng Carmona Cavite kahapon ng umaga. Ayon kay P/Senior Supt. Hernando Zafra, Cavite police director, sumabog ang Lorie Bullet Bulk tanker truck na may 8000 kilograms ng LPG na pag-aari ng Republic Gas Corporation habang nagdidiskarga sa Induplex Inc., Southcoast Industrial Estate sa Barangay Bancal bandang alas-7 ng umaga. Napag-alamang aabot sa P.3 milyong ari-arian ang nawasak matapos madamay ang dalawang bahay. Sa panayam naman kay P/Chief Insp. Danilo Cabaluna, hepe ng Carmona fire department, nagmula ang pagsabog matapos matanggal ang outlet valve sa container at maglikha ng spark. Pinag-aaralan pa ng mga imbestigador kung anong kaso ang maaring isampa laban sa may-ari ng nasabing establis yamento. – Arnell Ozaeta
Banko sa Laguna nilooban
CAMP VICENTE LIM, Laguna — Isang rural bank ang iniulat na nilooban ng apat na kalalakihan kamakalawa sa Sta. Rosa City, Laguna. Sa ulat ni P/Supt. Rodney Ramirez, police chief ng Sta. Rosa, gamit ang bolt cutter at crow bar, pinasok ng mga kawatan ang Country Rural Bank of Taguig sa national highway sa Barangay Dila bandang alas-2:15 ng madaling-araw. Lingid sa kaalaman ng mga kawatan, tumunog ang security alarm ng banko kaya mabilis na nakaresponde ang mga pulis hanggang sa maaresto ang isa sa apat na suspek na si Richard Buhay ng Novaliches, Quezon City.
Sa panayam ng PSNgayon kay Ramirez, natiyempuhan si Buhay habang papatakas na nakasuot ng tsinelas at may nakaumbok na makapal na bagay sa bulsa.
Nang sitahin, nasamsam kay Buhay ang halagang P181,500.00 at umaming may tatlo pa siyang kasamahan na nakatakas at dala-dala ang ‘di-pa malamang halaga. “Isa na lang ang inabot naming suspek kasi naghiwa-hiwalay na sila nung makuha na ang pera sa vault ng banko at magkita-kita na lang daw ang apat sa Maynila,” pahayag pa ni Ramirez.
Tumanggi namang pangalanan ni Ramirez ang iba pang kawatan para hindi makaapekto sa follow-up operation habang inaalam pa rin ang kabuuang halaga na natangay sa banko. – Arnell Ozaeta