Hinihinalang, dahil sa food blockade umano na ipinatutupad ng militar laban sa mga rebelde, nagnanakaw na rin ng pagkain ang mga renegade na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front.
Kamakalawa, may 60 sako ng bigas na lulan ng isang trak at donasyon ng United Nations World Food Program ang hinarang at tinangay ng may 20 armadong kasapi ng MILF sa Maguindanao.
Ang mga bigas ay dadalhin sana sa isang evacuation center sa Mamasapano, Maguindanao.
Naunang napaulat na inakusahan ng MILF ang Armed Forces of the Philippines ng pagsasagawa ng food blockade bagaman pinabubulaanan ito ng militar.
Ayon sa pulisya, mga tauhan ni MILF 105 Base Commander Ameril Umbra Kato ang mga humarang sa trak sa Barangay Libutan ng naturang lalawigan bandang alas-2:00 ng hapon.
Galing sa Mamasapano Municipal Hall ang truck at ihahatid ang mga bigas nina Barangay Councilor Nasser Mapangal at Councilor Udasan Bundala nang harangin ito ng mga rebelde.
Sapilitang kinuha ng mga rebelde na pinamumunuan ni Commander Bonie Ayunan, Batallion Commander ni Kato, ang mga bigas at isinakay sa dalawang hand-tractors at mabilis na tumakas patungo sa Datu Saudi Ampatuan.
Ang mga bigas ay laan sana sa mahigit 18,000 evacuees mula sa 10 barangay sa Mamasapano.
Kaugnay nito, pinaigting pa ng militar at pulisya ang pagbabantay sa mga relief goods na ibinibiyahe patungo sa mga evacuation center sa mga lugar na apektado ng opensiba laban sa MILF renegades sa Lanao del Norte at Central Mindanao.