Nagpalabas na ng warrant of arrest ang korte laban sa dalawang lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sina Umbra Kato, Bravo at mga tauhan nito. Ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay Kato at sa iba pa ay bunsod sa pagsusulong ng kaso ng Department of Justice (DOJ) sa Central Mindanao sa pangunguna ni City Prosecutor Al Calica. Ang 107 kasong kriminal ay isinampa sa Midsayap Regional Trial Court at sa Municipal Circuit Trial Court (MTCC) sa Pigcawayan sa North Cotabato. Inamin naman ni Justice Secretary Raul Gonzalez, na malaking problema ng prosekusyon kung paano ipapadala ang subpoena sa grupo ni Kato. Subalit base sa nakasaad sa rule 112 sec.3B ng rules of court kapag ang isang respondent ay hindi mapadalahan ng subpoena at hindi makapagsumite ng counter affidavit sa loob ng sampung araw ay maaring iresolba ng DOJ ang kaso base sa isinumiteng ebidensiya laban sa kanila. Kabilang sa mga kumander na kinasuhan ay sina Kota, Bravo, Wahid Tondok, Mustapha Gundalanga (Tha), Abdul Bayan Guiamblang, Jack Abbas, Muhammad, Haun Sindatu, Camarudin Hadji Ali (Mudi), Paradise, Meding, Usi Ampatuan, at si Kumander Musa Alamada. Isinama rin sa kinasuhan sina Rakman Sulaik, Kusain Sulaik, Mama Guiamelon, Nayang Timan, Datukan Montok, Tumalao Butuan, Ismael Manalasal, at marami pang iba. – Gemma A. Garcia at Malu Manar