CAMP CRAME – Binaril at napatay ang isang imbestigador ng Ombudsman ng ‘di-pa kilalang lalaki sa loob ng kanyang opisina sa Alvarez Street, Davao City kamakalawa.
Tama ng bala sa pisngi ang tumapos kay Oscar Victor D Denuga II, 44, may-asawa, nakatalaga sa regional office ng Ombudsman at residente ng Kadayawam Homes, Phase II, NHA Bangkal ng nabanggit na lungsod.
Sa police report ng nakarating sa Camp Crame,, naitala ang insidente bandang alas-2:45 ng hapon sa ikatlong palapag ng regional office ng Ombudsman sa Alvarez Street.
Lumilitaw na nakaupo ang biktima at abala sa mga papeles nito nang putukan ng baril sa kanang mukha.
Narekober naman sa crime scene na nagkalat pa ang mga dokumentong may bahid ng dugo ang anim na basyo ng bala at kulay itim na cellular phone.
Isinailalim naman sa paraffin test ang ilang testigo upang mabigyang linaw ang krimen. – Joy Cantos