BAUAN, Batangas – Kasalukuyang sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong negosyo o kaya pulitika ang pangunahing motibo kaya pinaslang ang vice mayor ng Mabini sa loob ng kanyang call center building sa bayan ng Bauan, Batangas noong Martes ng gabi.
“Posibleng pinatay si Vice Mayor Rowell Sandoval dahil sa nakaaway nito sa pulitika o nakalaban sa negosyo,” pahayag ni P/Senior Supt. David Quimio, Batangas police director.
Si Sandoval, 51, ng Amurao Avenue sa Poblacion ay pinagbabaril ng nag-iisang ‘di-pa kilalang lalaki habang kausap ang asawang si Wilma sa ground floor ng kanilang 2-story Research Solution Information Center (RSIC) call center building sa Buendia Street, Poblacion 3, bandang alas-8:40 ng gabi.
Itinakbo pa ng kanyang asawa si vice mayor sa Bauan Doctors Hospital subalit idineklarang patay dahil sa mga tama ng bala ng baril.
Sa panayam ng PSNgayon sa hepe ng pulisya sa Bauan na si Supt. Antonio Malabanan, inilarawan ng mga saksi ang gunman na payat, nakasuot ng blue T-shirt, maong shortpants, tsinelas, may edad na 20 hanggang 25-anyos at may taas na 5’2”.
Sa nakalap na impormasyon ng PSNgayon, posibleng may nagalit na kawani ng RSIC kina Sandoval matapos pumalyang magpasuweldo ng tatlong buwan.
“Sinisilip din namin ang anggulong ‘yan dahil baka nga may nagalit na mga kapamilya ng empleyado dahil sa hindi nila pagsuweldo,” dagdag ni P/Supt. Malabanan
“Mukhang mababaw ‘yun na dahilan para pumatay ng tao,” mariing pahayag ng kaanak ni Sandoval.
Si Sandoval na kasapi sa partido ng Kampi, ay naging mayor ng Mabini noong 1998 hanggang 2006 at nanalo bilang vice mayor noong May 2007 election. Dagdag ulat ni Ed Amoroso