CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa isang magsasaka makaraang tamaan ng matalim na kidlat habang nag-aani ng palay na ikinasugat naman ng malubha ng anim iba pa kamakalawa ng hapon sa Zone 7, Barangay San Isidro sa bayan ng Magarao, Camarines Sur. Naisugod pa sa Bicol Medical Center subalit idineklarang patay si Semion Tolete, samantala, sugatan naman sina Moises Tolete, Dondon Ocampo, Edgardo Prado, Domingo Bulda, Raul Benavida at si Rany Benavida na pawang residente ng Barangay Sto. Tomas. Base sa police report, naitala ang insidente dakong alas-2:30 ng hapon kung saan bumuhos ang malakas na ulan habang magkakasamang ginagapas ng mga biktima ang palay. Ed Casulla
P1.5-M pondo sa 14 barangay
ZAMBALES – Tinatayang aabot sa P1.5 milyong pondo ang naipamahagi sa labing-apat na barangay na miyembro ng Federated Masinloc Farmers Multi-Purpose Cooperative para sa mga magsasaka sa ginanap na seremonya sa bayan ng Masinloc, Zambales kamakalawa. Ayon sa pangulo ng nasabing kooperatiba na si Raymundo Epay malaking tulong ang donasyon ng Arturo Castro Jalata Foundation Inc., para umangat ang ani ng mga magsasaka. Kabilang sa mabibiyayaan ng nasabing pondo ay ang mga Barangay Bulawen, Tatal, Bani, Bulaganon, Culiat, Tapuac, Sta. Rita, Poblacion North, Poblacion South, Inhobol, Bamban, Sto. Rosario, San Lorenzo at ang Barangay San Salvador. Sinabi naman ni Asenia Lim, Chairman of the Board ng Compania Minera Tubajon, Inc. na nag-ooperate sa bayan ng Coto, Zambales at siyang bumuo ng nasabing foundation na ang donasyon ay alinsunod sa panawagan ni Zambales Governor Amor Deloso na dapat makinabang ang mamamayan sa anumang negosyo at yaman ng lalawigan. Bukod sa tulong pinansyal ay nagbibigay din ng educational assistance sa pamamagitan ng scholarship, livelihood program-micro finance, social services, hospitalization, medical mission at Environmental programs katulad ng reforestation at biological diversity enhancement. Alex Galang