16 MILF todas sa bakbakan
Isang sundalo at 16 na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front ang nasawi sa isang engkuwentro sa Guindolongan, Maguindanao kamakalawa ng gabi.
Namumuno umano sa mga rebeldeng tumambang sa mga sundalo si MILF 105th Base Commander Ameril Umbra Kato.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Eastern Mindanao Command Spokesman Major Armand Rico, dakong alas-6:45 ng gabi nang tambangan ng mga rebelde ang convoy ng 63rd Division Reconnaissance Company ng Army sa bisinidad ng nabanggit na lugar.
Sinabi ni Rico na bigla na lamang pinaulanan ng bala ng grupo ni Kato ang tropa ng militar na nauwi sa bakbakan ng magkabilang panig.
Tumagal ang putukan nang mahigit isang oras na ikinasawi ng isang sundalo habang 10 ang naitalang sugatan.
Sinabi ng tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Army na si Col. Julieto Ando na 16 na rebelde ang napaslang sa bakbakan.
Bunga ng insidente ay isinara ang Guindolongan-Talayan Section ng Cotabato-Isulan highway sa mga motorista kaugnay ng isinasagawang clearing operations ng tropa ng militar.
Pinaniniwalaang marami pa ang nasugatan sa panig ng mga rebeldeng MILF.
Ayon pa kay Ando, nagkaroon rin ng bakbakan sa bahagi ng Datu Piang, Maguindanao na tumagal ng anim na oras sa tatlo nitong barangay na kinabibilangan ng Dapiawan, Ilian, Gawang at Kitango.
Nag-ugat ang sagupaan nang tangkain ng MILF na okupahin ang national highway.
Samantala, limang sundalo ang sugatan sa hiwalay na bakbakan sa Barangay Damatulan at Kadigasan sa Midsayap,
Kinilala ang apat sa mga ito na sina TSgt. Roland Apduhan, Pfcs. Ronald Ragonton, Tito Puerto at Nurhassin Abduhrahman. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending