BATAAN – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dating jailguard ng Bataan provincial jail ng mga armadong kalalakihan sa panibagong karahasang naganap sa Barangay Balut-2, Pilar, Bataan kamakalawa ng gabi. Si Jose de Leon, 47, na naglalaro ng baraha sa kapitbahay nang lapitan at tatlong ulit na binaril. Tumakas ang mga killer sakay ng dalawang motorsiklo hahang patuloy naman ang imbestigasyon. Jonie Capalaran
Zambo blast: 9 sugatan
Siyam-katao ang iniulat na nasugatan makaraang sumabog ang inihagis na granada sa harapan ng hotel sa Zamboanga City kamakalawa ng gabi. Base police report na isinumite sa Camp Crame, tatlong kalalakihan na sakay ng motorsiklo ang naghagis ng granada sa tapat ng hotel na katabi ng gusali ng Bureau of Fire Protection sa kahabaan ng Climaco Avenue sa naturang lungsod. Ayon kay P/Senior Supt. Lurimer Detran, city police director, ang mga suspek na nauna nang napansin ng mga residente na umaaligid at nagmamasid sa nasabing lugar ay mabilis na nagsitakas matapos ang pambobomba. Nadamay sa pagsabog ang isang traysikel at motorsiklo subalit wala naman iniulat na nasawi. Joy Cantos
31 kawal ni Bravo sumuko
Aabot sa 31 kawal ni 102nd Base Commader Abdurahman Mapantar, alyas Kumander Bravo ng Moro Islamic Liberation Front ang sumuko kamakalawa sa militar sa Lanao del Norte, ayon sa opisyal kahapon. Ayon kay Brig. Gen. Mark Antonio Supnet, commander ng Army’s 104th Infantry Brigade ang nagsisukong MILF rebs ay nagsilbing blocking force at nakita mismo ang walang awang pangma-masaker nina Commander Bravo sa mga inosenteng sibilyan na sinunog pa ang mga bahay sa Brgy. Lapayan sa bayan ng Kauswagan. “They could no longer stomach how the civilians were killed so they surrendered,” pahayag ni Supnet sa mga mamamahayag. Sinabi pa ni Supnet na ang mga nagsisukong MILF rebs mismo ang magpapatunay na nagsisinungaling si Bravo nang itanggi nito na wala siyang kinalaman sa pag-atake sa Lanao del Norte. Kasalukuyan nang sumasailalim sa masusing interogasyon ang mga nagsisukong MILF rebs. Joy Cantos
Lola, 3 apo inakyat-bahay
RIZAL – Libong halaga ng ari-arian ang nalimas makaraang pasukin ng mga armadong kalalakihan ang bahay ng isang lola at tatlong apo nito sa Justo Village, Otriz Compd. sa Barangay San Roque, Angono, Rizal kamakalawa ng gabi. Ang mga biktimang iginapos ay nakilalang sina Leonora De Leon, 62; Heroki, 14; John Leo, 18; at si Rizalyn Geronimo, 13. Sa police report, dakong alas-7:45 ng gabi nang pasukin ng limang miyembro ng “Akyat-bahay” ang tahanan ng mga biktima. Malayang nakapagnakaw ang mga suspek matapos igapos ang mga biktima at ikulong sa isang kuwarto. Edwin Balasa