Nasugatan ang hardcore commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na si Ameril Umbrah Kato, habang dalawa naman nitong tauhan ang napaslang at tatlong iba pa ang nawawala kabilang ang anak nitong lalaki makaraang tambangan ng mga ‘di-pa nakilalang armadong kalalakihan noong Martes ng hapon sa bayan ng Kabuntalan, Shariff Kabunsuan.
“Reportedly Commander Kato was hit in the armpit. He was ambushed by a group of armed men. He was wounded but he was able to escape. We already sent troops in the area, “pahayag ni AFP-Eastern Mindanao Command spokesman Major Armand Rico.
Kinilala naman ang isa sa napatay na tauhan ni Kato sa alyas na Monib at nagawa ring makatangay ng grupong nanambang ng anim na malalakas na kalibre ng baril.
Si Kato, ang lider ng 105th Base ng MILF renegades na namuno sa pananakop ng 15 barangay sa mga bayan ng Palimbang, Pikit, Northern Kabuntalan, Aleosan, Midsayap at Alamada sa North Cotabato may dalawang linggo na ang nakalipas.
May patong na P5 milyon sa ulo ni Kato na nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal matapos na masangkot sa serye ng pag-atake sa nasabing lugar.
Bukod kay Kato, may patong din na P5 milyon sa ulo si Abdullah Macapantar, alyas Commander Bravo ng 102nd Base ng MILF Command na nasa likod naman ng madugong pag-atake sa ilang mga bayan ng Lanao del Norte at Maasim, Sarangani noong Lunes.
Kasalukuyang inaalam ng militar kung anong grupo ang responsable sa pananambang sa pangkat ni Kato na nag-ooperate sa nasabing lugar.