Sinibak na sa puwesto ang isang opisyal ng pulisya matapos na isangkot sa pagpaslang kay RMN brodkaster at program director na si Dennis Cuesta sa General Santos City noong Lunes ng Agosto 4. Si P/Senior Insp. Redentor Acharon na pinaniniwalaang pinsan ni Mayor Jhun Acharon ay dinala na sa Camp Crame alinsunod sa kautusan ni PNP chief Director General Avelino Razon Jr. Ayon kay Task Force USIG chief P/Director Jefferson Soriano, hindi sila mangingiming sampahan ng kaso si Acharon sakaling mapatunayang may matibay na ebidensya laban dito. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, si Acharon ay itinuro ng mga testigong hawak ng pulisya na pangunahing suspek sa pagpatay kay Cuesta matapos ang ilang araw na pakikipaglaban kay kamatayan. Kasabay nito, kinumpirma din ni Soriano ang pagbibigay direktiba ni Razon kay Police Regional Office (PRO) 11 director Chief Supt. Andres Caro II na pagkalooban ng seguridad ang pamilya ni Cuesta. Joy Cantos