CAMP CRAME – Tatlo-katao kabilang na ang dalawang buwang gulang na sanggol ang iniulat na malubhang nasugatan matapos na pagtatagain ng isang lolo na nag-amok sa bayan ng Medellin, Cebu kamakalawa.
Nilalapatan ngayon ng lunas sa Vicente Sotto Memorial Medical Center ang mga biktimang sina Loveth Rusatasi Bayon-on, kapatid nitong si Ruby Rusatasi at ang sanggol na anak nito.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Enerio Bayon-on, biyenan ni Loveth.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa loob ng tahanan ni Loveth kung saan galit-na-galit na dumating ang suspek.
Napag-alamang sinita ng suspek si Loveth dahil sa maliit na perang ibinigay nito sa kanya mula sa anak nitong nagtatrabaho sa Maynila.
Nagtalo ang magbiyenan hanggang sa nauwi sa pananaga ng suspek sa ginang at nadamay din ang kapatid ng ginang at pamangkin nito.
Nagtamo ng walong tahi sa ulo ang sanggol habang si Ruby at Loveth ay tadtad rin ng taga sa katawan. (Joy Cantos)