Isisilbi ng pamahalaan ang warrant of arrest laban kay Commander Ameril Umbrah Kato sa Moro Islamic Liberation Front Central Committee sa kinakaharap nitong mga kasong arson, multiple murder at robbery kaugnay ng puwersahang pagsakop sa 15 barangay na nasasakupan ng ilang bayan sa North Cotabato.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Department of Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na pursigido ang pamahalaan na sampahan ng kasong kriminal ang 105th Base Commander ng MILF na si Kato.
Nauna nang hinamon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang liderato ng MILF na isuko si Kato upang panagutin sa batas.
“Kasalukuyan ay kinukumpleto pa ng mga imbestigador ang pangangalap ng karagdagang ebidensya at testimonya laban sa grupo ni Kato,” pahayag ni PNP chief Director General Avelino Razon.
Patuloy na nakaalerto ang mga awtoridad upang mapigilan ang muling pag-atake ng MILF renegades.
Aminado naman ang Kalihim na kung hindi rerespetuhin ng MILF ang probisyon ng batas na ipatutupad sa pag-aresto kay Kato, panibagong problema na naman ang kakaharapin ng pamahalaan.
Naniniwala rin si Puno na hindi makakaapekto sa usapang pangkapayapaan ang pagsasampa ng kaso dahil ang karahasan aniya na kinasangkutan nina Kato ay tuwirang paglabag sa umiiral na batas ng bansa.
Magugunita na kamakalawa ay tuluyang nabawi ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang ilan pa sa kabuuang 15 barangay na sinakop ng grupo ni Kato sa mga bayan ng Palimbang, Aleosan, Pigkawayan, Midsayap, Pikit, Alamada at North Kabuntalan na pawang nasa North Cotabato.
Samantala, aarestuhin naman ng pulisya ang mga sibilyang mahuhuling nagsisipag-armas sa rehiyon ng Mindanao laban sa muling paghahasik ng karahasan ng MILF rebs.