KIDAPAWAN CITY – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang mag-asawang matanda ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front at isinunod naman patayin ang anak makaraang gawing human shield laban sa tumutugis na tropa ng militar sa liblib na bahagi ng Barangay Takepan sa bayan ng Pikit, North Cotabato, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni AFP- Eastern Mindanao Command Spokesman Major Armand Rico, ang mag-asawang Lucio Pano, 78 at Isidra, 60, kapwa magsasaka.
Kinumpirma naman kahapon ni P/Senior Elias Dandan, police chief ng Pikit PNP, na natagpuan na ang bangkay ng nawawalang anak ng mag-asawa na si Dulcesimo “Dulce” Pano, 39 at maging ang mga bangkay ng mag-asawa sa bisinidad ng Brgy. Tulunan.
Napag-alamang sinalakay ng mga MILF rebs ang nabanggit na barangay kung saan ginawang human shield ang mag-anak bunsod upang magsilikas ang may 500 residente sa lugar.
Nabatid na ang mag-anak ay binihag nang tumatakas na grupo ni 105th Base Commander Ameril Umbrah Kato sa kainitan na rin ng clearing operations ng militar kamakalawa.
Samantala, bukas na sa mga motorista ang Midsayap-Pikit Highway sa North Cotabato matapos ang clearing operations, simula kahapon.