Nalalagay sa balag ng alanganin masibak sa tungkulin ang apat na pulis na isinasangkot sa kasong ballot snatching sa Shariff Kabunsuan kaugnay ng halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) makaraang sumailalim sa imbestigasyon kamakalawa.
Kabilang sa mga pulis na nasa kustodiya ng kanilang mother unit habang sinisiyasat ay sina SPO1 Airodin Tumawis, PO1 Alfatta Tumawis , PO3 Ibrahim Macarimbang at si PO1 Suwaid Dagalangin na pawang nakatalaga sa Shariff Kabunsuan Provincial Police Office.
Ayon kay P/Supt. Danilo Bacas, hepe ng ARMM Police Regional Operations and Plans Division, ilang testigo ang positibong kumilala sa mga pulis kaugnay ng pagkakasangkot ng mga ito sa ballot snatching kaugnay ng ginanap na eleksyon sa ARMM noong Lunes.
Napag-alamang dalawa sa mga pulis na inakusahan ay kamag-anak ni Assemblyman Bongarsa Tumawis.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng mga opisyal na walang magaganap na whitewash. Joy Cantos