KORONADAL CITY – Aabot sa sampu-katao, kabilang na ang 8 bata at isang 7-buwan na sanggol ang iniulat na namatay sa magkakahiwalay na sakuna sa bayan ng T’boli, South Cotabato, ayon sa naantalang ulat kahapon.
Base sa pahayag ni Haydee Lacdoo, deputy provincial social welfare officer, limang batang mag-aaral ang nasawi sa landslide sa bahagi ng Brgy. Desawu noong Biyernes at isang mag-anak na binubuo ng lima-katao naman ang tinangay ng tubig-baha noong Sabado sa Brgy. Lamhaku sa nasabing bayan.
Kabilang sa mga nasawing mag-aaral matapos ang ilang oras na paghuhukay ay nakilalang sina Malvin Tanon, 8; Jerson Lamban, 8; Jemwel Haus, 9; Respy Haus, 6; at si Benjie Denyal, 5, pawang estudyante ng Disawu Elementary School.
Naitala ang landslide bandang alas-4:30 ng hapon habang malakas ang buhos ng ulan noong Biyernes sa liblib na pook ng Sitio Lemluk-El sa Bgry. Desawu habang papauwi mula sa paaralan ang mga biktima.
Samantala, noong Sabado naman habang patawid ng ilog, akay-akay ng ina ang kanyang apat na anak nang biglang bumulusok ang malakas na tubig-baha mula sa kabundukan patungo sa ilog ng Barangay Lamhaku, T’boli, South Cotabato.
Ayon sa ulat, karga pa ng ina ang anak na 7-buwang gulang na sanggol habang nakabuntot ang 3 iba pang anak nang tangayin ng malakas na agos ng tubig habang tumatawid sa sapa.
Natagpuan naman ang mga bangkay ng limang mag-iina na nakalutang sa ilog ng Barangay Lambukay sa ba yan ng Banga, South Cotabato noong Linggo ng hapon.
Kasalukuyan pa rin bineneripika ang pagkikilanlan ng 5 mag-iina. (Boyet Jubelag at Joy Cantos)