Sa patuloy na paghahasik ng terorismo, sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army ang eroplanong pag-aari ng isang negosyante matapos salakayin ang banana plantation sa bayan ng Maco, Compostella Valley kamakalawa ng gabi.
Ayon kay AFP-Eastern Mindanao Command Spokesman Major Armand Rico, bandang alas- 8 ng gabi nang salakayin ng mga rebelde ang hangar ng Marsman Drysdale Corp’s RioVista Agri Ventures sa Barangay Taglawig sa bayang nabanggit.
Napag-alamang iginapos ang dalawang guwardiyang nagbabantay sa gusali ng chemical mixing na sina Bormelito Concha at Manuel Sugse matapos disarmahan.
Kasunod nito, ay agad na binuhusan ng gasolina saka sinunog ng mga rebelde ang single-seater light plane na ginagamit sa pang-spray ng pesticides sa banana plantation.
Aabot hanggang P6 milyong halaga ang nasabing eroplano na pag-aari ng Mactan Corp. na kinontrata lamang ng Marsman Drysdale para sa aerial spraying sa 30 ektaryang plantasyon.
Nabatid na noong Febrero, nasangkot ang Marsman Drysdale’s Rio Vista Agri Ventures sa pinagtatalunang unpaid salaries ng mga manggagawa sa nasabing plantasyon, hindi nagreremit ng contribution sa Social Security System (SSS) at hindi pagbibigay ng ilang benepisyo sa mga kawani.
Patuloy naman ang operasyon ng Army’s 25th Infantry Battalion sa pamumuno ni Major Rolando Rodil laban sa nagsitakas na mga rebelde.