RIZAL – Napaslang ang isang katiwala ng mayor na tumatayong hepe ng mayor’s squad sa panibagong karahasang naganap sa Barangay San Roque sa bayan ng Angono, Rizal kamakalawa ng gabi.
Namatay habang ginagamot sa Angono General Hospital sanhi ng apat na tama ng bala sa katawan ang biktimang si Jerome Bolinao, hepe ng striking force ni Binangonan Mayor Cezar Ynares at residente ng #145 Oja Street sa Brgy. Mahabang Parang, Binangonan, Rizal.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Ireneo Dordas, provincial police director, kabababa lang ng kanyang sasakyan ang biktima nang lapitan at ratratin ng riding-in-tandem motorcycle sa kahabaan ng Guido Street sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, hindi pagnanakaw ang motibo kahit na tinangay ang baril at ibang personal na gamit ng biktima na pinaniniwa laang inililigaw lamang ng mga suspek ang imbestigasyon.
Sa tala ng pulisya, nasangkot ang pangalan ni Bolinao matapos na pagbintangan ang grupo nito na responsable sa pagkamatay nina PO1 Dennis Montemayor at PO1 Richard Gelua noong Abril 2, 2008 sa Barangay Tatala, Binangonan, Rizal.
Napag-alamang bukod dito ay tinitingnan din ang anggulong away ng biktima sa mga vendor ng Binangonan Public Market dahil sa mahigpit nitong pamamalakad. Edwin Balasa