TACURONG, Sultan Kudarat – Tinatayang aabot sa 21-katutubo na karamihan ay bata mula sa tribong Manubo ang iniulat na nasawi habang 65 iba pa ang nasa kritikal na kalagayan makaraang manalasa ang sakit na cholera sanhi ng bacterium Vibrio cholerae sa dalawang liblib na sitio na sakop ng Barangay Milbuk sa bayan ng Palimbang, Sultan Kudarat, ayon sa ulat kahapon.
Ito ay kinumpirma nina Marilou Geturbos-Torres ng Philippine National Red Cross sa Tacurong City at Palimbang Mayor Samroud Mamansual, na ang epidemya ay patuloy na kumakalat simula pa noong Hulyo 30.
Nadiskubre lamang ang epidemya matapos magtungo ang pangkat ni Geturbos sa bisinidad ng Brgy. Milbuk kung saan napaulat na may mga residenteng namatay sa gutom.
Base sa ulat ng PNRC na nakabase sa Tacurong City, aabot sa 15 katutubo ang namatay mula sa Sitio Biao habang 6 naman sa Sitio Napnapon na may apat na oras ang lakbayin mula sa town proper habang ang mga nasa malubhang kondisyon na mula sa Sito Wal ay ginagamot na sa Milbuk Barangay Hall.
Pinaliwanag naman ni Geturbos na ‘di-ordinaryong sakit na cholera ang naging sanhi ng kamatayan ng mga biktima at kailangan pa itong kumpirmahin mula sa mga nakalap na sample ng tubig na pinagkukunan ng mga residente sa dalawang sitio.
Nakatakda naman dumating sa mga nabanggit na sitio ang medical team ng Provincial Social Welfare and Development Office sa pakikipag-ugnayan na rin ni Governor Datu Suharto Mangudadatu. Nagpadala na rin si Mayor Mamansual ng mga gamot at maging ang ilang staff sa munisipalidad ay tumulong para masawata ang pagkalat ng epidemya.
Pinaniniwalaang kontaminadong tubig inumin, pagkaing dinadapuan ng langaw at maruming kapaligiran ang pangunahing dahilan kaya kumalat ang nasabing bacteria. Dagdag ulat ni Joy Cantos