Napaaga ang salubong ni kamatayan sa isang 11-anyos na batang lalaki makaraang dapuan ng bacterium clostridium tenani (tenanus o lockjaw) dahil sa libreng pagpapatuli na inisponsoran ng isang kongresman sa Negros Oriental, ayon sa ulat kahapon.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, nakilala ang biktima na si Gino Erojo, Grade 5 pupil sa Lucay Elementary School at residente ng Barangay Panciao sa bayan ng Manjuyod.
Sa nakalap na impormasyon ng pulisya mula sa salaysay ng lola ng biktima na si Lydia Amantillo, sinamantala ang pagkakataon ng kanyang apo ang libreng tuli sa medical mission ng isang kongresman sa kanilang lalawigan noong Huwebes ng Hulyo 24.
Gayon pa man, makalipas ang ilang araw, dinapuan ng mataas na lagnat ang biktima kasabay nito ang pamamanhid ng buong katawan dulot ng nasabing bacteria hanggang sa isugod ito sa Negros Oriental Provincial Hospital.
Binawian ng buhay ang biktima may tatlong araw na ang nakalipas matapos kumalat sa katawan ang bacteria kung saan nag-produce ng toxin na isinisisi naman ng pamilya nito sa hindi sanitized na gamit sa medical mission.
Ikinatwiran naman ng mga nagsagawa ng medical mission na posibleng sa ibang aksidente nakuha ng bata ang tetanus na ikinamatay nito.