CEBU – Dalawang gasoline boy ang iniulat na napaslang makaraang holdapin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan ang gasolinahan sa Sitio Looc, Barangay Poblacion sa bayan ng Liloan, Cebu kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng hepe ng Liloan PNP na si P/Senor Insp. Ramon Ortiz, ang mga biktimang sina Junnie Arnicaso,16, ng Mandaue City at Erwin Pacatan, 19, ng Batuan, Bohol, kapwa stay-in worker sa RKS Flying V Gas Station na pag-aari ni Roland Sanoria ng Riverside, Mandaue City.
Naisugod naman sa Vicente Sotto Memorial Medical Center ang sugatang sekyu na si Johnrey Tison ng Sitio Sambag, Barangay San Vicente, Liloan na sinaksak sa tiyan at pinalo sa ulo ng mga holdaper.
Tinatayang aabot sa P.2 milyon mula sa winasak na metal vault ang natangay ng mga holdaper
Ayon kay SPO1 Dennis Malinao, hawak naman nila ang isa pang pumpboy na si Jose Kelly Quinson, na pinaniniwalaang kasangkot ng mga holdaper dahil sa hindi magkakatugmang salaysay at natuklasang may bahid ng dugo ang damit nito.
Nagduda ang pulisya na posibleng inside job ang insidente at nagka-onsehan kaya’t nagkagulo at nagpatayan dahil sarado na ang gasolinahan. Edwin Ian Melecio