ORMOC CITY, Leyte – Isang 58-anyos na lider ng kulto na ginawang asawa ang kaniyang limang anak na babae ang nabaril at napatay ng pulisya sa liblib na bahagi ng Sitio Cantilum sa Barangay Tongonan, Ormoc City, Leyte kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Wilson Caubat, ang napatay na si Rey Mahinay, alyas Lord Rey Mahinay, supreme leader ng Son of the Kingdom of the Father, Home of the Chosen Children of Jesus Christ Incorporated.
Base sa ulat, napatunayan ng City Social Welfare and Development officer na si Marietta Ligaspe na ang suspek ay sangkot sa kasong child abuse matapos gawing asawa ang limang anak nito na may edad 12 hanggang 17-anyos.
Kaya kaagad na nagpalabas ng search warrant si Executive Judge Apolinario Buaya ng Ormoc Regional Trial Court Branch 35, para arestuhin ang suspek.
Tatlong pangkat ng pulisya ang ipinadala ni Caubat para isilbi sana ang search warrant sa pangunguna nina P/CInsp. Mario Cristino Lucero, P/Senior Insp. Joseywells Estopen ng PCP1; at P/Supt. Raul Saysay ng City Mobile Group.
Ayon pa sa ulat, naunang nailigtas ng isa sa tatlong pangkat ng PNP ang limang anak na babae ni Mahinay sa loob ng kanilang bahay habang ang isang pangkat naman ay inabangan si Mahinay sa chekpoint para arestuhin.
“We have to block his way far from his turf because it’s another story if we will seize him there, Mahinay has more than 200 cult members, who are armed with long jungle bolos like the Pulahans,” pahayag ni Caubat
Nang mamataan ng pulisya si Mahinay na sakay ng motorsiklo (IM-1549) na may kaangkas ay pinara nila ito subalit nagpatuloy pa rin hanggang sa maharang ng isa pang pangkat ng PNP.
Dito na nanlaban at tinagkang tagain ni Mahinay ang ilang pulis kaya binaril ito sa hita subalit patuloy pa rin sa pananaga hanggang sa nabaril at napatay.
Samantalang sugatan naman si Col. Caubat matapos tamaan ng ligaw na bala na noo’y kasama si Barangay Chairman Isagani Banez para sana saksihan ang pag-aresto kay Mahinay.
Inaresto naman ang ilang miyembro ng kulto na sina Severino Torrebella y Galon, 48; Moises Donayre y Cabando, 44; at Justino Santa Ana, 35, habang nasamsam naman ang 14 piraso ng jungle bolo mula sa bahay ni Mahinay.
Sa tala ng pulisya, ang kulto ni Mahinay ay may sangay sa Negros Occidental, Eastern and Northern Samar, Cebu, at ilang bayan sa Visayas.