2 katao inutas dahil sa aso

Dahilan lamang sa aso, napaslang ang dalawang sibilyan ng nagpakilalang sundalo ng Phil. Army sa na­ganap na pamamaril sa bisinidad ng Barangay San­tiago 2 sa bayan ng San Pablo City, Laguna kama­kalawa.

Idineklarang  patay sa San Pablo City Medical Center sina  Arnel Flores, 18, US immigrant  at  Jearge Llave de Luna na kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay.

Si Flores ay tinamaan ng bala sa noo na naglagos sa kanang teynga habang si Luna ay may tatlong tama ng bala sa kaliwang balikat na tumagos naman sa kanang bahagi ng katawan.

Ang suspect na ‘di-pa na­kuha ang ranggo ay tinukoy lamang sa pangalang Sher­win Malate na nagpakilalang miyembro ng  202nd Infantry Brigade sa ilalim ng 2nd Infantry Division (ID) ng Philippine Army.

Sa report ng Laguna Provincial Police Office (PPO) na isinumite sa Camp Crame, kasalukuyang nagmomo­torsiklo ang suspek  sa kaha­baan ng kalsada ng  Brgy Santiago 1 nang habulin ito ng asong askal na pag-aari ni Flores hanggang Brgy. San­tiago 2.

Bunga nito ay muntik nang makagat ng aso ang suspek kung saan napilitan itong huminto sa gasolinahan at tinanong ang attendant kung sino ang may-ari ng mabangis na aso.

Kinompronta ng suspek si Flores dahil sa nakakaper­wisyo ang asong askal na alaga nito subali’t dito’y lu­mapit naman si de Luna at si­na­pak si Malate sa mukha bunsod upang bumagsak ito sa lupa.

Matapos na bumangon sa pagkakatumba ay nagalit  ang suspek at pinagbabaril ang dalawa.

Kasalukuyang nakikipag­koordinasyon ang pulisya sa himpilan ng Army’s 202nd Brigade para isuko ang suspek. Joy Cantos

Show comments