Batalyong kawal at karagdagang tangke ang ipinakalat ng Armed Forces of the Philippines sa bahagi ng Eastern Mindanao upang isabak sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na patuloy na naghahasik ng terorismo.
Sa pahayag ni AFP-Eastern Mindanao Command Spokesman Major Armand Rico, isang Mechanized Infantry Battalion na pinamumunuan ni Lt. Col. Luis Binwag kasama ang kanilang armored vehicles at dalawang Field Artillery Batteries sa Davao City mula Maynila ang dumaong na sa Sasa Wharf sa Davao City lulan ng landing ship tank ng Philippine Navy.
Sa tala ng AFP, umaabot sa 100 karahasan ang inihasik ng NPA rebels sa unang bahagi ng 2008 partikular ang talamak na extortion, pagpatay, panununog at pag-atake sa tropa ng militar.
Aabot naman sa 24 armor assets, 12 howitzers tubes ang dinala sa nabanggit na rehiyon bilang augmentation sa puwersa ng Army’s 10th Infantry Division.
Ang pagpapakalat ng tropa ng militar ay bilang tugon sa kahilingan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan partikular na ang mga gobernador sa Compostella Valley-Davao area.
Magugunita na huling inatake ng mga rebeldeng NPA ang Sagittarius Mining Company sa Davao del Sur dahil sa kabiguang magbayad ng revolutionary tax ng may-ari ng minahan. Joy Cantos