TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Isa sa ipinagmamalaki ng Cavite ang pagbaba ng kriminalidad at pagtaas ng Crime Solution Efficiency kung saan sa naitalang 364 krimen, lumalabas na 328 ang nabigyang lunas para sa 90.10 porsiyentong CSE rating.
Sa kasalukuyang talaan ng Cavite Police Provincial Office, makikita ang malaking agwat ng pagbaba ng kriminalidad sa Cavite, ipinagkaloob ni Cavite Gov. Ayong S. Maliksi, katuwang si P/Senior Supt. Hernando Mendoza Zafra sa mga bayan ng Silang, Tagaytay at Imus PNP ang sertipiko ng pagkilala sa kanilang ipinakitang katapangan at dedikasyon sa tungkulin.
Wala namang naitalang kaso ng kidnapping sa ikalawang bahagi ng 2008 habang aabot naman 72-operations laban sa illegal at loose firearms ang naisagawa na ang resulta sa pagkakaaresto ng tatlong wanted.
Samantala, may kabuuang 22 anti-illegal gambling operations ang nailunsad na nagresulta sa pagkakadakip ng 60-katao.
Kasunod nito, aabot naman sa anim na operasyon laban sa illegal fishing ang isinagawa ng pulisya kung saan 72-katao ang naaresto at nakumpiskahan ng iba’t ibang uri ng isda.
“Sa tulong ninyo, at sa masidhing adhikain ng kapulisan na paigtingin ang pagsisikap na pangalagaan ang kapakanan ng lahat ng mga mamamayan ng Cavite, makakamit natin ang minimithi nating kapayapaan,” dagdag pa ni Gov. Maliksi.