Kalaguyo ni misis  itinumba ni mister

Binurdahan ng saksak hanggang sa mapaslang ng isang mister ang 39-anyos na lalaking hinihinala niyang kalaguyo ng kani­yang misis sa Escalante City, Negros Occidental kamakalawa.

Idineklarang dead-on-arrival  sa Escalante City Hospital ang biktimang si Nestor Silvano ng Sitio Amalia, Barangay Hunob-hunob ng lungsod matapos na mag­tamo ng malalim na tama ng saksak sa dibdib.

Kasalukuyan namang humihimas ng rehas na bakal matapos masakote  ng Escalante City Police ang suspek na si Aaron Francisco, 54, residente ng Sitio Katagbakan, Barangay San Isidro, Toboso, Negros Occidental.

Batay sa report na naka­rating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insi­dente pasado alas-7:00 ng gabi matapos abangan ng suspek ang biktima.

Bigla na lamang uma­nong sinaksak ng suspek ng patalim ang biktima na nag­tamo ng dalawang malalalim na saksak sa dibdib pagka­raang matiyempuhan itong pababa sa tricycle.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na  matagal nang may galit ang suspek sa biktima na nabalitaan niyang may relasyon sa kanyang asawa. (Joy Cantos)

Show comments