Patuloy sa paghahasik ng lagim ang mga bandidong Abu Sayyaf Group kung saan dalawang kontratista ng Globe Telecommunications ang kinidnap sa panibagong insidente ng kidnap-for-ransom sa Basilan kamakalawa.
Inatasan naman ni PNP chief Director General Avelino Razon Jr., ang Basilan Provincial Police Office na pinamumunuan ni P/Senior Supt. Salik Macapantar, ang malawakang search and rescue operations sa mga biktimang sina Felardo Tolentino at Jayson Constancio na kapwa mga konsehal ng barangay sa nasabing bayan.
Masuwerte namang nakatakas sa kamay ng mga bandido ang siyam na kasamahan nina Tolentino at Constancio.
Batay sa police report, binihag ng mga bandido ang dalawa sa 11 sub-contractors ng Globe Telecoms habang patungo sa bayan ng Tuburan.
Napag-alamang mag-iinspeksyon ang grupo ng dalawa sa kanilang cell site nang matiyempuhan ng mga bandido sa bisinidad ng Brgy. Languyan sa bayan ng Mohamad Ajul.
Nabatid na humihingi na ng P 3 milyong ransom ang mga kidnaper kapalit ng pagpapalaya sa dalawang biktima.
Sinasabing ang dumukot sa dalawa ay bihag din ang nurse na si Preciosa Feliciano na kinidnap sa Zamboanga City noong nakalipas na linggo.
Matatandaan na pinalaya ng mga bandidong Abu Sayyaf ang apat na kawani ng Basilan Electric Cooperative (Baselco) pagkaraan ng may dalawang linggong pagkakabihag sa Basilan.