P300-M shabu bust
Umaabot sa P300 milyong bawal na droga ang nasamsam habang anim-katao naman ang naaresto sa isinagawang magkahiwalay na pagsalakay ng mga tauhan ng Phil Drug En forcement Agency (PDEA) at anti- narcotics operatives ng Army’s 2nd Infantry Division ang malaking bodega at laboratoryo ng shabu sa bayan ng Real, Quezon at Biñan, Laguna kahapon ng umaga.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Thelma Ponferrada ng Quezon City Regional Trial Court Branch 104, magkasunod na sinalakay ng mga awtoridad ang malaking bodega at laboratoryo sa Sitio Arcao, Brgy. Maragundon sa bayan ng Real, Quezon at sa Lot 1 Block 23 Doña Justina Street, Filinvest South Subdivision, Biñan, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Chiu Lu Hsiang, Wu Jung Hsien na kapwa Taiwanese; Lin Hai Jung, Weng Shi Chiang, Wu Chih Yang na pawang Tsino at ang Pinoy na si Hilario Nicolas, 23, ng Nueva Ecija
Ayon kay PDEA Executive Director General Dionisio Santiago, ang mga suspek na naaktuhang naghahalo ng 70 kilong kemikal para maging shabu ay pawang miyembro ng “Ah-Chang” drug group na may koneksyon sa grupong “Chin Shan Lin,” transnational drug syndicates na may operasyon sa Asya.
Sa panayam ng PSNgayon kay Derrick Carreon, hepe ng public information office ng PDEA, nag-ugat ang operasyon matapos ang walong buwang intelligence work na tinawag na “Oplan Blister”.
“Ang Quezon laboratory na may laking 50-60 square meters na warehouse ay nasa liblib na lugar sa Quezon at tumatayong production plant, samantalang ang warehouse naman sa bayan ng Biñan, Laguna ay imbakan ng mga finish products,” pahayag pa ni Carreon.
“Mukhang pang local consumption lang ang mga ginagawa nila dito kasi hindi masyadong high-grade ang quality na medyo brownish,” dagdag pa ni Carreon.
Ito na ang ikaapat na clandestine shabu laboratory na nalansag ng nasabing ahensya ngayong taon habang patuloy pa rin ang pagsubaybay sa kilos ng mga sindikato upang tuluyang mabuwag ang operasyon sa bansa.
- Latest
- Trending