Pulis patay sa ambush

SAN RAFAEL, Bulacan – Tinambangan at napatay ng mga armadong kalalaki­han ang isang pulis ng Provincial Inteligence and In­ves­tigation Branch sa ka­ha­baan ng Daang Maharlika sa Barangay San Roque, Can­daba, Pampanga kaha­pon.

Napuruhan sa katawan ang biktimang si SPO1 Jel­mar Alba, 38, ng Brgy. Pob­lacion, San Ildefonso, Bu­lacan.

Si Alba ay ikalawang pulis na napatay sa ambush sa loob ng dalawang taon ma­tapos mapatay si PO2 Ro­berto Dela Cruz sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan noong 2006.

“Wala akong alam na ka­away ng asawa ko, tahimik na tao siya,” ani PO1 Delia Alba na nakatalaga sa him­pilan ng pulisya sa bayan ng San Ildefonso at asawa ng biktima.

Base sa ulat ng pulisya, nagmomotorsiklo ang bik­ti­ma nang harangin at ratratin ng mga killer na lulan ng To­yota Revo na kulay silver (XRZ-873).

Kaugnay nito, tinamaan naman ng bala ng baril sa hita si P/Chief Inspector Rogelon Francisco habang hinahabol ang mga suspek sa Brgy. Talang sa Candaba Pampanga kahapon.

“Na-monitor namin ‘yung getaway vehicle sa Can­daba kaya sinundan ng tropa ni Francisco, kaso, bala ang sumalubong sa kanila, “ pahayag ni P/Senior Supt. Allen Bantolo, acting Bulacan police director.

Ayon kay Bantolo, natag­puan ng mga pulis ang To­yota Revo na ginamit ng mga suspek at narekober sa loob ng sasakyan ang tat­long malalakas na kalibre ng baril.

Sinabi rin ni Bantolo na malaki ang posibilidad na kabilang sa grupo ng gun-for-hire ang mga suspek na nagsasagawa ng operasyon sa Central Luzon. (Dagdag ulat Boy S. Cruz)

Show comments