Shabu lab sa La Union ni-raid
Isa na namang shabu lab ang ni-raid ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya sa Barangay Bimmotibot sa bayan ng Naguilan, La Union kahapon.
Aabot sa milyong halaga ng mga kagamitan at kemikal ang nakumpiska sa bahay na may lagusan patungo sa kuweba at naaresto ang dalawang katiwala na sina Thomas Palaganas at Andy Tangalin.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Ferdinand A. Fe ng Bauang Regional Trial Court Branch 67 sa La Union, nakipag-koordinasyon sa pamunuan ng PDEA ang La Union Provincial Police at Police Regional 1 bago isagawa ang pagsalakay, ayon kay PDEA spokesman IO4 Derrick Carreon.
Kabilang sa nasamsam sa operasyon ang mga burners, 24 tangke ng liquefied petroleum gas (LPG), 52 piraso ng cauldrons, 80 sako ng caustic soda potassium hydrate; 79 barrel ng Iodine crystals, 15 barrel ng red phosphorous, 65 kahon ng ethanol, 7 industrial jar, respirators at iba pang essential equipments sa paggawa ng methamphetamine hydrochloride o shabu.
Kasalukuyang isinasailalim na ngayon sa interogasyon ang dalawang katiwala habang patuloy naman tinutugis ang maintainer ng shabu laboratory na kinilalang si George Cordero.
- Latest
- Trending