KIDAPAWAN CITY – Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng carnapping sa isinagawang operasyon sa bayan ng Carmen, North Cotabato kamakalawa.
Pormal na kinasuhan ni P/Senior Supt. Lester Camba, provincial police director, ang mga suspek na sina Tons Aban Ebra him, 22, ng Barangay Kayaga, Kabacan; at Allan Guiamelon Sagadan, 22, ng Barangay Kibayao, Carmen.
Ang dalawa ay naaresto matapos tangayin ang motorsiklo ni Bryan Sevilla na nagpaparada ng kanyang motorsiklo sa public market noong Lunes ng gabi (July 7).
Tinutukan ng baril ang biktima ng dalawa saka tinangay ang motorsiklo.
Nagkataon namang nagpapatrolya ang ilang pulis at namataan ang nagaganap na krimen hanggang sa makorner ang mga suspek na na kumpiskahan ng dalawang baril.
Sa tala ng pulisya, aabot sa 10 motorsiklo ang nawawala na pinaniniwalaang tinangay ng sindikato. Malu Cadelina Manar