Lumipat na umano sa ibang mga lalawigan ang mga car smuggling syndicate na kumikilos sa Cebu dahil sa paghihigpit ng Bureau of Customs.
Sinabi ni BOC Intelligence and Enforcement Group Chief Celso Templo sa isang pulong-balitaan na ang mga dating kumikilos na sindikato sa Port of Cebu ay nagsilipatan na sa General Santos City; Port Irene sa Cagayan Valley; Port of Davao; Cagayan de Oro at maging sa Port of Manila at Manila International Container Port sa Maynila.
Idinagdag ni Templo na iniiwasan ng mga sindikato ang magpasok ng puslit na “luxury vehicles” sa Cebu dahil sa ibayong paghihigpit ng mga otoridad matapos na tagurian itong “smuggling hotspot,” sa bansa.
Matatandaan na kamakailan, umaabot sa 7,000 mga smuggled na luxury vehicles ang natagpuan kamakailan na iligal na nairehistro sa Land Transportation Office-Region 7 na naging dahilan ng pagkakadiskubre ng anomalya sa smuggling sa lalawigan. (Danilo Garcia)