Itinakda ng mga bandidong Abu Sayyaf hanggang Martes ang taning para sa P1 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng natitirang bihag nilang tatlong empleyado ng Basilan Electric Cooperative sa Basilan.
Batay sa report, ang ultimatum ay ipinarating ni Abu Sayyaf Sub-Commander Nurhassan Jamiri sa pamamagitan ni Basilan Vice Governor Al Rasheed Ahmad Sakalahul sa pangasiwaan ng Baselco at pamilya ng mga biktima.
Ang apat na nalalabi pang bihag ng mga bandido ay nakilalang sina Eriberto Singson, Paul Helwig, at Ian Herwig. Ang isa pang kasamahan ng mga ito na si Ronnie Tansiyung ay nauna nang pinalaya ng mga kidnappers nang mabatid na isa rin itong Muslim mula sa lahi ng mga Yakan.
Noong Hunyo 26 ay kinidnap ng mga armadong Abu Sayyaf at ng ilang kasabwat nilang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front ang mga biktima sa Barangay Sinulatan, Tuburan, Basilan.
Sa isang radio interview, sinabi ni Rasheed na hanggang Martes lamang ang ibinigay na taning ng mga kidnappers para maibigay ang nasabing ransom at kung hindi ay may mangyayaring masama sa mga bihag.
Magugunita na inihayag ng BASELCO na hindi nila kayang bayaran ang nasabing ransom demand dahilan malaki na ang pagkalugi ng kanilang tanggapan. (Joy Cantos)