Nalambat ng pulisya ang dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang responsable sa pagpatay sa radio broadcaster ng dzAT sa isinagawang operasyon sa Barangay Sampaloc 2 sa bayan ng Sariaya, Quezon kamakalawa ng gabi. Sumasailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Simeon Aguilla, 23; at Joselito Cabrera, 32 . Ayon kay P/Supt. Eduardo Somera, deputy chief for operation ng Quezon PNP, ang dalawa ay nakorner sa tahanan ni Chairman Aristeo Ilao ng nabanggit na barangay matapos na ituro ng testigo. Ang mga suspek ay isinasangkot sa pagpatay kay Bert Carandang Sison, habang sugatan naman ang anak nitong reporter ng weekly tabloid na si Liwayway. Nasamsam ang dalawang baril sa mga suspek na pag-aari ni Ilao. Joy Cantos
P2M ari-arian naabo
CAMARINES NORTE – Tinatayang aabot sa P2 milyong ari-arian ang tinupok ng apoy makaraang masunog ang bahay ng dating alkalde kahapon ng madaling-araw sa Purok Atis, Barangay Gubat sa bayan ng Daet, Camarines Norte. Sa ulat ni FO3 Noel Jamito, nagsimula ang sunog bandang alas 4:30 ng madaling-araw at wala naman iniulat na nasawi o nasugatan. Pinaniniwalaang nagsimula ang apoy sa sumiklab na electric mosquito killer na naiwan sa loob ng bahay na pag-aari ng yumaong si ex-Mayor Cesar Aquilar ng bayan ng Mercedez. Francis Elevado